Layaw vs kuntento

September 28, 2022 Allan L. Encarnacion 143 views

Allan EncarnacionNAISIP mo ba iyong habang nasa komportable at ligtas kang lugar sa paghataw ng bagyo, may mga rescue workers tayong handang magbuwis ng buhay para sa kaligtasan ng kapwa gaya ng limang bayani ng Bulacan?

Sumagi man lang ba sa isip mo na habang naka-unli rice ka, maraming mga kababayan natin ang sinalanta ng bagyo na walang makain ngayon?

Iyong habang nasa airconditioned car ka na natatrapik sa Edsa, may mga nakatayo sa bus at nakasabit pa sa jeep na pawis na pawis para lang makauwi sa kanilang pamilya?

Iyong pag tinawag ka ng kalikasan, may maayos kang banyo na puwede mong puntahan habang ang milyun-milyon nating kababayan ay wala man lang kasilyas?

Pag nagutom ka, bubuksan mo lang ang ref, pupunta ka lang sa pantry, maiibsan na ang iyong gutom habang ang ibang kababayan natin, sinasaid ang kaning lamig sa kaldero at sasabuyan lang ng mantika’t asin para makatawid maghapon?

Iyong kapag bumuhos ang malakas na ulan at sumikat ang matinding init ng araw, panatag kang nasa loob ng iyong tahanan samantalang ang ibang kababayan natin ay nagtatalukbong ng mga sirang trapal sa bangketa para maikubli ang sarili?

Pag nagbukas ka ng gripo, may tubig, nag-switch ka ng kuryente, may ilaw habang ang milyun-milyong kababayan natin, lalo na sa mga lalawigan ay hindi pa man lang nagkaroon ng linya ng kuryente sa kanilang barangay.

Iyong mga anak mong bibilhan mo ng sapatos na branded, umaangal pa samantalang iyong kapitbahay nila, nakapaa lang pumapasok sa eskuwela pero laging masaya.

Ganoon tayo, madali tayong dumadaing sa mga problema na wala naman kung ikukumpara sa iba. Palagi tayong maraming hinahanap, palagi tayong hindi kuntento sa mga bagay na abot kamay na natin pero hinahagilap pa ng iba.

Hindi tayo marunong makuntento, hindi ma lang tayo makausal ng pagpapasalamat sa anumang mayroon tayo. Mas gusto nating pinagsisintimyento ang mga hindi natin kinakaya sa halip na ikasaya ang mayroon ka.

Hangga’t hindi tayo marunong magpasalamat sa kung ano lang ang mayroon tayo at ano lang ang ating kaya, mananatili tayong malungkot.

Sa totoo lang, isang beses pa lang akong bumili ng cellphone magmula nang mauso ang wireless telephone. Ito iyong kailangan ko lang ng tri-band na gagamitin ko sa pagpunta sa Amerika dahil wala pa naman ang mga Samsung at iphone noong mga early 2000. Siemen phone ang tatak ng nabili ko sa halagang P15K may dalawampung taon na ang nakalipas. Mula noon, lahat ng ginagamit ko ay bigay lang sa akin dahil hindi nga ako mahilig bumili ng gamit.

Kaya maraming tao ang pakiramdam nila’y salat sila sa maraming bagay dahil hindi nila alam mag-appreciate ng mga mayroon sila.

Kung pagmamasdan mo lang ang isang pamilyang masayang nagsalu-salo sa sinabawang instant noodles habang nakasilong lang sa bubong na sako sa center island, wala kang dahilan pa para magalit sa mundo mula sa payak na bagay na mayroon ka.

Kakuntentuhan lang ang nagpapasaya sa tao at hindi ang kalayawan.

allanpunglo@gmail.com