Default Thumbnail

Lata ng biskwit may lamang P1.3M shabu

November 29, 2024 People's Tonight 129 views

AABOT sa P1.3 milyong halaga ng shabu na isinilid pa sa lata ng biskwit ang nasabat ng Quezon City Police District (QCPD) Cubao Police Station 7 sa dalawang tulak sa bisinidad ng isang hotel sa lungsod nitong Huwebes.

Sa report kay QCPD acting director, P/Col Melecio M. Buslig, ang mga suspek ay naaresto sa ikinasang buy-bust operation sa tabi ng isang hotel sa kahabaan ng EDSA Southbound, Brgy. San Martin De Porres, Cubao, Quezon City, nitong Huwebes, Nobyembre 28.

Nakipag-ugnayan ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa Philippine Drug Enforcement Agency- Regional Office, para sa operasyon na humantong sa pagkakakumpiska ng humigit-kumulang 200 gramo ng shabu na may tinatayang street value na P1,360,000.

Nasa kustodiya na ngayon ng Cubao Police Station ang mga naarestong suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa “Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

“Binabati ko ang mga operatiba ng PS 7 sa pamumuno ni P/Lt. Col Ramon Czar Solas para sa tagumpay na ito. Ipagpapatuloy natin ang ating masigasig na kampanya laban sa illegal na droga upang tuluyan itong mapuksa at makamit ang isang drug-free na lungsod—hindi lamang sa Quezon City, kundi sa buong Metro Manila,” pahayag ng QCPD chief.

AUTHOR PROFILE