Lassy

Lassy, game bumalik sa comedy bar

September 26, 2021 Vinia Vivar 635 views

Malayo na nga ang narating ng komedyanteng si Lassy Marquez. Mula sa pagiging stand-up comedian sa comedy bars hanggang sa mapunta sa showbiz at maging sidekick ni Vice Ganda sa mga pelikula, dumating na ang kanyang biggest break na magbida sa isang pelikula.

Si Lassy ang bida sa latest offering ng Viva na Sarap Mong Patayin kaya naman masayang-masaya siya na kahit pandemic, hindi siya nawawalan ng trabaho.

Bukod sa Sarap…, kasama rin si Lassy sa Ang Manananggal Na Nahahati Ang Puso na mapapanood din sa Vivamax sa Oct. 1.

Hindi lahat ng stand-up comedians ay pinalad na maka-survive nang mawala ang comedy bars kaya naman labis itong ikinalulungkot ni Lassy.

“Nakakalungkot talaga nu’ng mawala ang mga comedy bar dahil marami sa amin ang nawalan ng trabaho, hindi lahat pinalad na magkaroon ng trabaho during pandemic talaga,” sey niya sa virtual mediacon ng Sarap Mong Patayin…

“’Yung iba, umuwi na ng mga probinsiya. ‘Yung iba, nag-negosyo na. ‘Yung iba, iniwan na ang industriyang ito. ‘Yung iba, nagba-vlog na kagaya rin namin. So, ilan lang din ang nakaka-survive ngayon,” patuloy niya.

Ang iba naman daw, nag-perform online para kumita at tulung-tulong sila.

“Nakakalungkot lang dahil marami na rin ang mga nawala, binawian ng buhay dahil sa stress, sa kalungkutan, sa kahirapan,” aniya.

Asked kung babalik pa ba siya sa comedy bar ’pag nagbukas ulit, sagot ni Lassy, “Kung magbubukas ang comedy bar, siyempre ay babalik pa rin ako kasi ‘yun ang naging training ground ko, eh. Kung paano ako nagkahubog sa pagpapatawa. Kailangan kong magkaroon ng mga bagong ideya, mga bagong materyal na gagamitin din sa pagpapatawa.”

Streaming na ang Sarap Mong Patayin sa Vivamax simula October 15. Ito ay mula sa direksyon ni Darryl Yap at nasa cast din sina Kit Thompson, Ariella Arida at Bob Jibeili.

AUTHOR PROFILE