Posas

LASING NANAKOT, HULI

August 25, 2023 Edd Reyes 282 views

DINAKIP ng pulisya ang lasing na lalaking nanindak at nagbantang babarilin ang maglive-in partner, Huwebes ng gabi sa Malabon City.

Bakas pa ang sindak sa mukha nina Michelle Gaza, 43, at Exur Palomera, 41, kapuwa residente ng Barangay San Vicente sa Sta Maria, Bulacan, nang magsumbong kina P/Cpl. Michael Allanic at Pat. Marvin Carabeo ng Malabon Police Sub-Station 5.

Ito’y matapos silang harangin at binantaang babarilin habang sakay ng kanilang motorsiklo dakong alas-7 ng gabi sa kanto ng Borromeo at Pinasabugan Streets sa Bgy. Longos.

Sa ulat na nakarating kay Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan, tinatahak ng dalawa sakay ng motorsiklo ang kahabaan ng Borromeo Street nang bigla silang harangin ng lasing na suspek sa kanto ng Pinasabugan Street at pilit na pinababalik sa kanilang pinanggalingan.

Nagtangka pang makipag-argumento si Palomera subalit nagitla siya at ang kaniyang kinakasama nang bumunot umano ng baril ang suspek at binantaan silang babarilin.

Nagkataong nagpapatrulya sa lugar ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 kaya’t mabilis na nagtatakbo ang suspek.

Nang isumbong ng maglive-in partner ang paninindak ng suspek, nagsagawa kaagad ng follow-up operation ang mga pulis na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek, subalit nabigong makuha sa kaniya ang baril na ginamit sa pananakot sa mga biktima.

Nang iprisinta ng pulisya sa piskalya ng Malabon City ang suspek para sa inquest proceedings, kasong unjust vexation at light threat lamang ang nakita ng tagausig na puwedeng isampa laban sa lasing na lalaki.

AUTHOR PROFILE