Lasing na lalaki jumingle, nahulog sa ilog, nalunod

January 22, 2022 Edd Reyes 102 views

BIYERNES na ng tanghali nang matagpuan ni Reden Alejo, 47, ang lumulutang na bangkay ng nakababata niyang kapatid na si Roel Alejo sa Muzon River matapos na mawala noong Huwebes ng gabi.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot, nakipag-inuman ang biktima sa kaibigang si Ronald Monsaya noong Huwebes ng hapon sa kanilang tirahan sa No. 9 Kaunlaran St. Brgy. Muzon na inabot ng hanggang alas-10 ng gabi.

Matapos ang pag-iinuman, nagpahinga na ang biktima, subalit ilang sandali lang ay nakita siya ng kanyang kuya Reden na tumayo at lumabas ng bahay upang umihi sa malapit sa ilog.

Hindi na nakabalik ng higaan si Roel kaya’t nag-alala na ang kanyang kapatid matapos na mawalang parang bula ang biktima.

Magdamag na hinanap ni Reden ang nakababatang kapatid, kasama ang mga kaibigan, hanggang matagpuan niya ang lumulutang nitong bangkay bago mag-alas-12 ng tanghali sa Muzon River.

Wala namang nakitang anumang sugat sa katawan ng biktima si P/SSgt. Mark Alcris Caco, ang may hawak ng kaso, na magiging palatandaan sana kung may nangyaring karahasan sa kanyang pagkamatay kaya’t hiniling na lamang ng kanyang kapatid na huwag ng ipagpatuloy ang imbestigasyon sa paniwalang nalunod dulot ng kalasingan ang biktima.

AUTHOR PROFILE