‘Lapse probe’ sa mga pulis ‘wag katakutan—Chief PNP

June 29, 2021 Paul M. Gutierrez 237 views

PaulBUMISITA” kahapon, Martes, ang ‘Rock Star’ ng Philippine National Police (PNP), ‘Darling of the Press’ at sinasaluduhan ng lahat ng matitinong Pilipino, si Chief PNP Guillermo Lorenzo Tolentino Eleazar.

At bago natin ituloy ang kuwento, eh, siyempre, “salamat” din kay Chief PNP sa kanya namang naging “pagdaan” sa National Press Club (NPC) noong nakaraang Biyernes, para naman “batiin” tayo ng ‘Happy Birthday!’ sa ating kaarawan, naks naman, hehehe!

Kasama ni Gen. Guillor na “nagbigay-pugay” sa ating pahayagan at sa ating bosing na si Boss Gus Villanueva, si PNP PIO chief, P/BGen. Ronnie Olay at siyempre, andun din si MPD director, P/BGen. Leo Francisco, habang “umeksena” rin si Baseco PCP chief, P/Lt. Col. Robert Domingo—na dapat na sigurong “hanapan” ng bagong posisyon ni DD Francisco, hehehe.

***

Sa naging “huntahan” ng Journal Group kay Gen. Guillor, mayroon siyang mensahe sa mga pulis: Hindi ninyo dapat “katakutan” ang ano mang imbestigasyon sa mga kaso na kinasasangkutan ninyo, hane?

At kung mayroon mang pulis na dapat matakot, eh walang iba kundi ‘yung mga “tolongges” at mga sanay sa gawaing tiwali.

Layunin kasi ng imbestigasyon na lumabas ang “katotohanan” at para sa mga pulis na gumagawa ng tama at legal, kasehodang magkaroon ng kontrobersiya, ano ba ang dapat na katakutan?

Aniya pa, maling isipin ng mga pulis na dahil nag-utos siya ng imbestigasyon at pansamantala silang naalis sa puwesto, wala siyang balak na tulungan ang mga nasangkot na pulis.

Para kay Chief PNP, ang unang “tulong” na kanyang ginawa upang “linisin” ang pangalan ng mga nasangkot na pulis ay ang isang matino at parehas na imbestigasyon. Dahil sa dakong huli, kung wala naman talaga silang ginawang palso, eh, “malilinis” ang kanilang pangalan at siyempre pa, ang buong kumand ng PNP.

Ibinigay niyang halimbawa ang insidente sa Sta. Rosa City, Laguna, noong Mayo 21, 2021, halos dalawang linggo pa lang siya sa puwesto, kung saan napatay ng pinagsanib na puwersa ng PNP at militar si Rommel Rizza, aka, ‘Jomar’ at dalawang kasamahan pa nito. Si Rizza, dear readers, ay isang mataas na lider ng CPP-NPA sa Calabarzon, bukod pa sa pagiging lider ng NPA death squad na ‘Regional Special Operations Group’ (RSOG).

Alam ba ninyo dear readers, na bilang “buwelta,” ang ‘press release’ nitong ‘Karapatan’ na kilalang “prente” ng CPP-NPA, bukod daw sa tatlo, may isa pang sibilyan na “dinukot” at palihim na pinatay ang mga pulis?

Bukod sa imbestigasyon, personal rin na inutusan ni Gen. Guillor ang mga pulis na “hanapin” ang pamilya ng umano’y “nawawalang sibilyan” at kausapin kahit ang Karapatan kung paano sila matutulungan?

Eh, halos dalawang buwan na ngayon, mga kabayan, alam ba ninyo na “wala,” as in, “nadah” na “lumutang” upang patotohanan ang bintang ng Karapatan?

Translation? Walang katotohanan ang bintang at dahil kuwentong barbero lang pala ng mga komunista, absuwelto ang mga pulis!

Paniwala pa ni Gen. Guillor, posibleng maraming ganitong insidente kung saan napakabilis “husgahan” ang mga pulis subalit ang bintang hindi naman pala kayang patunayan sa kahit saang korte dahil wala namang ebidensiya at testigo at ang lahat ay “gawa-gawa” lang.

“Walang dapat itago ang pulis,” aniya pa—sabay tingin kay DD Francisco, hehehe!

Binanggit din ni Chief PNP ang ‘marching order’ sa kanya ni PDU30 – ‘Just do what is right and legal!”

Oh, simple lang, di ba mga “bosing?” Magtrabaho lang ng wasto at sang-ayon sa batas, wala kayong magiging problema, ayos!

AUTHOR PROFILE