Crime

Lalaking sangkot sa iba’t-ibang uri ng krimen, tinangkang likidahin

December 11, 2023 Edd Reyes 402 views

ONSEHAN sa hatian ng kanilang nakulimbat ang sinisilip na motibo ng pulisya sa pamamaril ng apat na armadong suspek sa lalaking umano’y sangkot sa iba’t-ibang uri ng krimen Linggo ng gabi sa Malabon City.

Nakaratay pa rin sa Tondo Medical Center kung saan siya isinugod ng kanyang mga kaanak ang biktimang si alyas “Alvin Buknoy” residente ng P. Borromeo St. Brgy. Longos matapos magtamo ng isang tama ng bala sa katawan.

Sa nakarating na ulat kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, dakong alas-10:10 ng gabi, habang nakatayo sa Blk. 40 Marteniko St., Brgy. Longos ang biktima nang dumating ang apat na lalaki, dalawa rito’y magka-angkas sa isang motorsiklo.

Isa sa apat na suspek ang lumapit kay Alvin Buknoy at kaagad na pinaputukan, gamit ang hindi pa batid na kalibre ng baril, na dahilan upang makatawag ng pansin sa mga residente sa lugar, kabilang ang mga kaanak ng biktima.

Bunga nito’y kaagad na tumakbong palayo ang gunman at isa pang kasama habang humrurot namang palayo sa kabilang direksiyon ang dalawa pang back up nilang naka-motorsiklong suspek.

Sa mensaheng ipinadala ni Col. Baybayan sa People’s Tonight, nagsagawa na sila ng profiling at background investigation sa biktima at lumabas na kabilang siya sa listahan ng mga suspek na kilabot na magnanakaw at miyembro rin ng “Akyat-bahay Gang” at “Basag-kotse Gang”.

Malaki ang hinala ng pulisya na posibleng nagka-onsehan sa hatian ng kanilang mga nanenok na salapi at personal na gamit sa kanilang mga naging biktima ang motibo sa tangkang pamamalang kay alyas Alvin Buknoy.

AUTHOR PROFILE