
Lalaking palaboy, kinalawit ni kamatayan sa parking lot
TIGOK na nang matagpuan ng caretaker ng isang parking lot ang lalaking palaboy na madalas makitang nagsasalitang mag-isa Martes ng madaling araw sa Malabon City.
Sa tinanggap na ulat ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, dakong alas-4:50 ng madaling araw nang madiskubre ni Ronald Consuelo, 52, residente ng 381 M.H. Del Pilar St Brgy. Maysilo, ang biktimang nakilala lamang sa alyas “Tony” na nakahandusay at wala ng buhay sa gilid ng binabantayan niyang parking lot sa M.H. Del Pilar kaya’t kaagad niya itong ipinabatid sa mga rumorondang barangay tanod at pulisya.
Sa imbestigasyon nina P/SSg Ernie Baroy at P/SSg Diego Ngippol ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS), huling nakitang buhay ang biktima Lunes ng umaga na paggala-gala pa sa Brgy. Maysilo at namumulot ng mga mapapakinabangan sa makikitang basurahan.
Sa pahayag ng mga opisyal ng barangay, may 15-taon na umanong naninirahan lamang sa lansangan sa Maysilo at binibigyan na lamang ng pagkain ng ilang mga residenteng nahahabag sa kanyang kalagayan.
Nakakaranas din umano ng kakulangan sa pag-iisip ang biktima na kadalasa’y nagsasalita ng walang kausap bagama’t hindi naman gumagawa ng pananakit o anumang uri ng karahasan.
Gumagawa na ng paraan ang pulisya na matukoy kung sino ang pinakamalapit na kaanak ng biktima bagama’t handa ang lokal na pamahalaan na bumalikat sa gastusin sa pagpapalibing kung sakali at walang lumutan na kaanak ang nasawi.