Default Thumbnail

Lalaking nawala ng 5 araw bangkay natagpuan

April 2, 2023 People's Tonight 182 views

BANGKAY na nang matagpuan ng kanyang mga kaanak ang 21-anyos na lalaking limang araw ng nawawala Linggo ng umaga sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang biktimang si Ronel Bascal, residente ng Block 1, Lot 38, Phase 2, Area 3, Pampano Street, Brgy. Longos, na iniulat na nawawala ng kanyang tiyahing si Rejelda Bascal, 30, noon pang Marso 28 matapos umalis ng kanilang tirahan.

Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Nologoc Bengie ng Homicide Section ng Malabon police, nadiskubre ng tapa vendor na si Ferdinand Taraya, 33, ang bangkay sa daluyan ng tubig sa kanto ng Lapu-Lapu at Hito Streets, Brgy. Longos dakong 6:38 a.m. at agad itong ipinabatid sa pulisya.

Sa ginawang pag-proseso sa bangkay ni Bascal ng mga tauhan ni Northern Police District Forensic Unit (NPDFU), Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pangunguna ni P/MSgt. Elizar Manarpaac, walang sugat ang bangkay kung kaya’t isasailalim ito sa autopsiya upang alamin ang sanhi ng kamatayan.

Sinabi ni Col. Daro na ipagpapatuloy pa ng kanyang mga tauhan ang pagsisiyasat sa krimen upang alamin kung paano napunta ang bangkay ng biktima na lumulutang sa daluyan ng tubig at kung may mga natanggap itong pagbabanta sa kanyang buhay sa kabila ng pahayag ng kanyang mga kaanak na wala silang alam na kaaway si Bascal.

AUTHOR PROFILE