Lalaking nanghalihaw ng saksak, pinutukan sa hita ng pulis
SUGATAN ang lalaking nagwala at nanghalihaw ng saksak matapos barilin sa hita ng nagrespondeng pulis na kanya ring tinangkang umaong saksakin, Lunes ng hapon sa Malabon City.
Bukod sa suspek na taga-Sitio Coral, Matictic Norzagaray, Bulacan, isinugod din sa Ospital ng Malabon ang isang biktima upang malapatan ng lunas sa bahagyang tama ng saksak sa katawan matapos hindi kaagad nakaiwas sa pagwawala ng lalaki.
Sa ulat na isinumite nina P/SSgt. Michael Oben at P/Cpl. Renz Marlon Baniqued kay Malabon Police Chief P/Col Albert Barot, dakong ala-1:30 ng hapon nang hingan ng tulong ng mga kapitbahay si Pat. Allan Losa Roquite, nakatalaga sa Police Community Affairs Development Group sa Camp Crame at residente ng Bgy. Concepcion dahil may taong nagwawala umano at nanghahalihaw ng saksak sa kanilang lugar sa Sito Gulayan.
Kaagad namang tumugon si Roquite at naabutan niya ang panghahabol na saksak ng suspek sa mga nagdaraan kaya’t nagpakilala na siyang pulis at hinimok ang suspek na sumuko ng mapayapa.
Gayunman, sa halip na sumuko, sinugod umano ng suspek ang pulis at inundayan ng sunod-sunod na saksak na masuwerteng nailagan ng pulis.
Dito na binunot ni Roquite ang dalang baril at nag-warning shot subalit nang hindi pa rin tumigil ang suspek sa pagwawala, pinutukan na siya ng pulis na tumama sa kanyang hita.
Nakuha ng mga nagrespondeng kagawad ng Malabon Police Sub-Station 6 ang isang 15-pulgadang patalim sa suspek, habang dalawang basyo ng bala at isang depormadong tingga ang nakita rin sa lugar na pinangyarihan ng insidente.
Mga kasong attempted homicide, breach of peace, at direct assault ang kakaharapin ng suspek sa piskalya ng Malabon City.