Lalaking nanakit ng binatilyo, huli

August 2, 2021 Edd Reyes 187 views

HULI kaagad ng pulisya ang 31-anyos na lalaking wanted sa kasong pagmamaltrato at pananakit sa isang binatilyo, isang araw pa lamang matapos ilabas ng hukuman ang warrant of arrest laban sa kanya sa Malabon City.

Nagulat pa si Rommel Salve nang malamang mga tauhan pala ng Malabon Police Warrant and Subpoena Section na pinamumunuan ni P/CMSgt. Gilbert Bansil ang kumakatok sa pintuan ng kanyang tirahan sa 52 Mallari St.,Brgy. San Agustin dakong alas-11:30 ng tanghali araw ng Biyernes para isilbi ang arrest warrant na inilabas ni Malabon Metropolitan Trial Court (MTC) Judge Ofelia Salgado Contreras-Soriano ng Branch 55, nito lamang Hulyo 29, 2021.

Ayon kay P/SMSgt. Addrich Reagan De Leon, isa sa mga arresting officers, minaltrato at nasaksak pa ni Salve ang binatilyong biktima sa isang inuman noong buwan ng Mayo ng taong 2019 sa Letre Road, Bgy. Tonsuya.

Inireklamo ng mga magulang ng biktima si Salve sa pulisya kaya’t naaresto kaagad siya subalit nakapaglagak ng piyansa para sa pansamantala niyang paglaya.

Itinuloy naman ng panig ng biktima ang kanilang reklamo at tumangging magpa-areglo kaya’t naglabas ng subpoena ang Malabon City Prosecutor’s Office laban kay Salve upang sagutin ang reklamong inihain laban sa kanya,

Gayunman, ayon kay Sgt. De Leon, natanggap bilang driver ng isang pribadong kompanya si Salve kaya’t nabigo na siyang makadalo kahit sa virtual hearing sa piskalya kung kaya’t ini-akyat ang kasong maltreatment at physical injury ng Tagausig laban sa kanya sa Malabon MTC.

Pinuri naman ni Malabon Police chief P/Col. Albert Barot ang mga tauhan ng WSS dahil sa mabilis na pagkakadakip kay Salve bago pa man magawang makapagtago sa batas.

AUTHOR PROFILE