Default Thumbnail

Lalaking namaril, todas sa pulis sa Kyusi

August 16, 2022 Melnie Ragasa-limena 279 views

NASAWI ang isang lalaki na nagtangka umanong patayin ang isang ginang nang makipagbarilan sa mga awtoridad sa Quezon City, Martes ng madaling araw.

Ang biktima ay nakilalang si Maricar Umayam Escalera, 32, housewife, at residente ng Purok 2, Bayanihan St., Barangay Culiat, Quezon City.

Nakilala lamang ang suspek sa alias na “Jojo Muslim”.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CCIDU-QCPD), bandang 3:40 ng madaling araw, Agosto 16 nang maganap ang engkuwentro sa Area 3, 7th St., Bgy. Pasong Tamo, sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon nina PCpl. Prince Joy Rivera at PCpl. Juderick M Latao, naglalakad umano ang biktima pauwi sa kanilang tahanan nang biglang sumulpot ang suspek at nagpaputok ng baril sa direksiyon ng biktima.

Masuwerte namang hindi tinamaan ng bala ang biktima na kumaripas ng takbo saka nagsumbong sa QCPD Holy Spirit Police Station 14 (PS 14).

Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at natunton ang ang suspek sa nasabing lugar.

Pero habang papalapit umano ang mga operatiba ng PS 14 sa pinagtataguan ng suspek ay bigla itong nagpaputok ng baril dahilan upang gumanti ang mga pulis na nagresulta sa agarang kamatayan ng suspek.

Nasamsam sa crime scene ng mga nagrespondeng pulis sa pamumuno ni PMaj. Jung Fortunato ang dalawang hindi pa batid na kalibre ng baril.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa naganap na krimen.