Lalaking nakamotorsiklo dedo sa babae, 2 pang naka-tricycle

June 1, 2021 Edd Reyes 211 views

PATAY ang 27-anyos na lalaking sakay ng motorsiklo habang sugatan ang menor-de-edad niyang ka-angkas nang tambangan ng hindi pa kilalang mga suspek, kabilang ang isang babae, Martes ng madaling araw sa Taguig city.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan si Jovenir Sarmiento alyas “Ontog”, residente ng 02 Yason St. Brgy. Bambang na nagresulta sa agaran niyang kamatayan habang isinugod naman ng Taguig-Pateros District Hospital ang ka-angkas niyang 15-anyos na binatilyo, residente rin ng Brgy. Bambang na tinamaan ng bala sa kaliwang balikat.

Sa imbestigasyon ng mga tauhan ng homicide section ng Taguig police, magka-angkas ang mga biktima sa isang motorsiklong minamaneho ni Sarmiento at tinatahak ang kahabaan ng MLQ Street nang harangin ng isang tricycle na may sakay na tatlo katao, kabilang ang driver at isang babae, dakong ala-1:35 ng madaling araw pagsapit sa kanto ng Sampaloc St. sa Brgy. Lower Bicutan.

Sa pahayag ng testigong si Gary Castillo sa pulisya, nakarinig na lamang siya ng sunod-sunod na putok ng baril at nang lumabas siya ng bahay upang alamin ang pangyayari, nakita na lamang niyang nakabulagta na ang nasawing biktima sa tabi ng nakatumbang motorsiklo habang mabilis na humaharurot paalis ang tricycle na sinakyan ng mga suspek patungo sa hindi batid na direksiyon.

Kaagad na humingi ng tulong sa barangay si Castillo upang maisugod sa pagamutan ang menor-de-edad na biktima, bago nagtungo sila sa Taguig Police Sub-Station 10 upang ipabatid ang naganap na pananambang.

Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya para sa posibleng pagkilala sa mga salarin habang inaalam pa ang motibo sa pamamaslang.

AUTHOR PROFILE