Posas

Lalaking nagyabang ng baril huli

July 29, 2023 Edd Reyes 281 views

HINULI ng pulisya ang isang 38-anyos na lalaki matapos mahulihan ng baril habang palakad-lakad sa Barangay Lower Bicutan, Taguig noong Biyernes ng gabi.

Sa ulat na nakarating kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Roderick Mariano, dakong alas-6:15 ng gabi nang makatanggap ng report ang Taguig police mula sa Barangay Information Network (BIN) tungkol sa lalaking palakad-lakad habang iwinawasiwas ang hawak na baril sa A. Reyes St, Purok 3, Brgy. Lower Bicutan.

Nang magresponde ang mga tauhan ng SIS, nakita nila ang lalaking nakilalang si Datumana Kasim na naka-fatigue at may bitbit na baril.

Agad na hinuli ang suspek at hinanapan ng dokumento na magpapatunay na legal ang pagkakaroon niya ng armas.

Nang walang maipakitang dokumento, dito na kinapkapan ng mga pulis si Kasim hanggang makuha sa loob ng bag niya ang isang granada.

Nagsasagawa na ng background checking ang mga tauhan ng SIS sa suspek upang alamin kung may iba pa siyang kasong kinakaharap o nakabimbin sa hukuman.

Bukod sa kalibre .45 na baril, isang bala at isang magazine na may tatlong bala, nakuha rin ng mga tauhan ng Taguig Police Station Intelligence Section (SIS) kay Kasim ang isang granada.

AUTHOR PROFILE