Lalaking nag-amok timbog sa baril

April 20, 2022 Edd Reyes 66 views

NAIBSAN ang pangamba ng maraming residente sa isang barangay na madalas sakmalin ng sindak sa ginagawang pagwawala ng 51-anyos na lalaki habang hawak ang kanyang baril makaraang madakip ng pulisya ang suspek Martes ng hapon sa Caloocan City.

Kalaboso at nahaharap pa sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Act in relation to Omnibus Election Code si Arnel Quiambao, residente ng M. Hizon St., Bgy. 64 matapos arestuhin ng mga tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU) ng Northern Police District (NPD) dakong alas-5 ng hapon sa naturang lugar.

Nauna rito, nakatanggap ng tawag sa telepono si P/Capt. Melito Pabon hinggil sa pagwawala umano ng isang lalaki sa kahabaan ng M. Hizon St. habang iwinawasiwas ang hawak ng baril kaya’t kaagad itong ipinaalam kay P/Lt. Col. Jay Dimaandal, ang hepe ng DSOU.

Inatasan kaagad ni Dimaandal si Pabon na magsama ng kanyang mga tauhan at palihim na magtungo sa M. Hizon St. upang alamin ang katotohanan ng sumbong hanggang mamataan nila pagdating sa lugar ang lalaking tumutugma sa deskripsiyong ibinahagi ng tumawag sa telepono na naglalakad habang bitbit ang isang baril.

Dito na nilapitan nina Capt. Pabon si Quiambao at matapos magpakilala bilang mga pulis, pinasuko nila ng maayos ang lalaki at inatasang bitawan ang hawak na baril.

Boluntaryo namang sumunod si Quiambao at isinuko rin ang hawak na kalibre .38 revolver na may kargang limang bala na natuklasang walang kaukulang dokumento.

AUTHOR PROFILE