
Lalaking may baril nagwala, kulong!
ARESTADO ang isang lalaki na armado ng kalibre .45 na pistola na gumawa umano ng “kaguluhan” sa mga nahintakutang residente ng Belen Compound, PNR Road, Barangay San Agustin, Alaminos, Laguna.
Dahil sa pangyayari, agad ipinagbigay-alam ng isang konsehal ng barangay sa pamunuan ng pulisya sa ilalim ni Officer-in-Charge (OIC) police chief Police Major Serafin Gapunuan na nagpadala ng responde na nagresulta sa pagkadakip sa nagwalang suspek.
Dakong alas 8:30 ng gabi ng lumabas ang suspek na nakasukbit sa kanyang baywang isang Colt Super Stallion Caliber 45 na baril.
Tumawag ng pansin sa pamunuan ng barangay maging sa mga residente ang ginagawang panggugulo at paghahamon diumano ng suspek kung kaya’t agad itinawag ito sa pulisya.
Nabawi ng mga rumespondeng Intel operatives at patrollers ng Alaminos police ang baril na may anim na pirasong bala gayundin ang holster ng naturang baril.
Ang suspek ay mahaharap sa kasong alarm and scandal and Violation of RA (Republic Act) 10591 (Illegal Possession of Firearms).