Default Thumbnail

Lalaki umawat sa humahabol sa kapatid, pinagsasaksak

November 20, 2021 Edd Reyes 265 views

SUGATAN ang isang factory worker nang tangkaing awatin ang lalaking humabol ng saksak sa kanyang kapatid, matapos sa kanya ibaling ng suspek ang galit Biyernes ng gabi sa Valenzuela City.

Kaagad na isinugod sa Valenzuela Medical Center ang biktimang si Alan Robas, 36, ng Road 3 Lingahan, Malanday, matapos magtamo ng tama ng saksak sa tiyan at likod habang nadakip naman kaagad ni P/SMSgt. Roberto Santillan ng Malanday Police Sub-Station 6 ang suspek na si John Mark Salazar, 23, ng 354 Marcelo St., Malanday.

Batay sa imbestigasyon nina P/Cpl. Reynaldo Cabales Jr. at P/Cpl. Alman Bohol, galit na kinompronta ng suspek ang kapatid ng biktima na hindi na binanggit ang pangalan dahil sa ginagawang pagpapadala nito ng malalaswang mensahe sa pamamagitan ng text sa kanyang pamangking babae dakong alas 11 ng gabi.

Nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa na nauwi sa pagsusuntukan hanggang bumunot ng patalim ang suspek na dahilan upang kumaripas ng takbo ang kapatid ng biktima.

Dito na namagitan si Robas para awatin ang suspek subalit sa kanya ibinuhos ng huli ang galit at inundayan ng dalawang saksak na tumama sa tiyan at likod.

Nahaharap ngayon sa kasong frustrated homicide at paglabag sa Batas Pambansa Bilang 6 o illegal possession of deadly weapon ang suspek sa piskalya ng Valenzuela matapos mabawi sa kanya ang patalim ng ginamit sa pananaksak.

AUTHOR PROFILE