Lalaki umakyat ng poste ng Meralco sa Taguig, kuryente nawala ng 5 oras
HALOS limang oras na nawalan ng supply ng kuryente ang malaking bahagi ng Western Bicutan matapos umakyat at nanatili sa poste ng Meralco ang 38-anyos na lalaki Martes ng gabi sa Taguig City.
Mismong sa insulator pa sa ibabaw ng poste sa Sampaguita St. pumuwesto ang nakahubad na suspek na si alyas “Ricky”, residente sa naturang lugar, dakong alas-9 ng gabi na dahilan upang patayin muna ang supply ng kuryente sa lugar upang hindi makuryente ang lalaki.
Sa ipinadalang ulat ni P/Maj. Jaybee Bayani ng Southern Police District-Public Information Office (SPD-PIO) pasado ala-1 na ng madaling araw napuwersang maibaba ng mga tauhan ng Taguig Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP) at Taguig police, sa tulong ng isang kaibigan din ng lalaki.
Muntik pang kuyugin ng mga kalalakihan sa lugar ang suspek dahil sa galit nang maperhuwisyo sila ng mahigit apat na oras na pagkawala ng kuryente na dahilan upang hindi makatulog ang bata na may pasok pa kinabukasan na paaralan bagama’t naawat kaagad ng kapulisan.
Sa inisyal na pag-uulat ng pulisya, may problema umano sa pamilya ang suspek at nais nitong makahingi ng tulong sa media kaya’t kahit ano ang gawing pagkumbinsi sa kanya ng otoridad ay tumangging bumaba sa poste.
Nakapiit ngayon sa detention facility ng Taguig police ang lalaki na sasampahan ng kasong Alarm and Scandal sa Taguig City Prosecutor’s Office.