Default Thumbnail

Lalaki tumalon mula MRT 7 Project Station 8, dedo

February 7, 2023 Melnie Ragasa-limena 454 views

NASAWI ang hindi pa nakikilalang lalaki nang tumalon umano mula sa may 30 talampakan ng ginawang tuntungan sa MRT 7 Project Station 8 sa Quezon City, Martes ng madaling araw.

Inilarawan ang biktima na nasa edad 30-40, may taas na 5’3, nakasuot ng blue at black board short pants, walang suot na damit pang-itaas, may mga tattoo ng ‘Bungo” sa kaliwang dibdib, “Sea horse” sa likuran at letrang “RED” sa likod ng batok.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 3:04 a.m. (February 7), nang maganap ang insidente sa MRT 7 Project Station 8 sa harapan ng Motorcycle City na matatagpuan sa Commonwealth Ave., Brgy. Greater Fairview, Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga nagrespondeng sina PSSG Camilo Ross J. Cunanan at PCpl. Wilvur Ramos, nagsasagawa umano ng pagpapatrulya ang Safety Enforcer na si Rodolfo Cortez Jr., nang makita ang biktima na umakyat sa may 30-feet high na assembled scaffoldings sa lugar.

Nagtangka pa umanong puntahan ni Ramos pero ilang minuto lamang ay biglang tumalon ang biktima at agarang namatay pagbagsak sa semento.

Agad inireport sa mga awtoridad ang insidente.

Una dito, nakita umano ng lady guard na si Annalyn Morales ang biktima na palakad-lakad sa lugar at tila wala sa katinuan habang pinagabato ang nagdaraang mga motorista.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad habang hinihintay pa ang pamilya ng biktima na nakalagak ngayon ang bangkay sa Bossing Funeral Homes.