Lalaki tinambangan sa Parola dedo

October 4, 2022 Jonjon Reyes 133 views

UMALINGAWNGAW ang limang putok ng baril sa katahimikan ng madaling araw, na nagresulta sa pagkamatay ng isang lalaki matapos pagbabarilin ito habang naglalakad sa Pier 2, Gate 10 Parola Compound, Tondo, Maynila.

Naisugod pa sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) subalit hindi na umabot ng buhay ang biktima na pawang residente ng nasabing lugar sa Tondo dahil sa mga tama ng bala sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Batay sa isinumiteng ulat ni Det. John Paul Rojo, kay P/Lt. Dennis Turla, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, naganap ang insidente bandang 3:00 ng madaling araw sa nasabing lugar.

Batay sa pulisya, ilang testigo ang nagsabing naglalakad ang biktima pauwi sa kanilang bahay nang pagbabarilin ito ng suspek.

Blangko naman ang mga awtoridad sa pagkakakilanlan sa gunman dahil sa umano’y tikom ang bibig ng ilang residente sa takot at magsawalang kibo ang mga ito sa pamamaril.

Gayunman, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para sa ikalulutas ng kaso.

Pansamantalang iniligak ang labi ng biktima sa Cruz Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya.

 

AUTHOR PROFILE