Lalaki timbog sa tangkang pagdekwat ng online order

April 11, 2022 Edd Reyes 56 views

DALAWANG araw makaraang madakip ang dalawang Chinese nationals na nagtangkang tumangay sa inorder na mamahaling cellular phone, nadakip ng pulisya ang 36-anyos na lalaking gumawa ng kapareho ring modus sa Parañaque City.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Jimili Macaraeg, tinangkang itakbo ng suspek na si Evans Joseph Sabornido ang inorder niyang iPhone 7 sa isang online seller sa Facebook Marketplace noong Sabado, Abril 9 na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.

Lumabas sa imbestigasyon na nakipagkasundo ang suspek sa seller na si Mary Rose Santos na magkita sila sa harap ng isang malaking supermarket sa NAIA Avenue, Bgy. Sto Niño, Parañaque City dakong alas-11 ng gabi upang makuha at mabayaran niya ang inorder ng gadget.

Nang magkita ang dalawa, hiniling ng suspek na susuriin muna niya ang inorder na iPhone bago niya bayaran at pumayag naman dito ang biktimang si Santos.

Gayunman, nang mahawakan na ng suspek ang gadget, bigla na siyang kumaripas ng takbo kaya’t hinabol siya ni Santos at kasamang si Edgar Benoya, Jr. hanggang sa ma-korner.

Nakatawag naman ng pansin sa nagpapatrolyang mga tauhan ng Sto Niño Police Sub-Station ang komosyon lalo na nang pumalag si Sabornido matapos siyang makorner ni Benoya na naging dahilan ng tuluyang pagkakadakip sa suspek.

Nahaharap ngayon sa kasong “estafa through swindling” ang suspek makaraang mabawi sa kanya ng pulisya ang iPhone 7 na tinangkang itakbo.

“Muli ay aking pinaaalalahanan ang publiko sa pakikipagtransaksyon sa iba siguraduhing lihitimo ang iyong kausap. Ugaliing mag-background check at siguraduhin ang lugar kung saan tayo makipagtransaksyon,” pahayag ni Macaraeg.

AUTHOR PROFILE