Lalaki timbog sa P189K shabu dahil lang sa yosi

August 24, 2021 Edd Reyes 291 views

SIMPLENG paglabag sa ordinansa ang nagsadlak sa piitan sa 38-anyos na lalaki matapos matuklasan ang pagbibitbit niya ng malaking halaga ng ilegal na droga Lunes ng hapon sa Taguig City.

Aabot sa halagang P189,720 ang kabuuang halaga ng shabu na tumitimbang ng 27.9 gramo ang nakumpiska ng mga tauhan ng Taguig Motorcycle Patrol Unit kay Froilan Talavera, residente ng Angeles St. Buting, Pasig City matapos siyang masita dakong alas-4:50 ng hapon habang naninigarilyo sa pampublikong lugar sa Maguindanao St. New Lower Bicutan.

Sa ulat na nakarting sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Jimili Macaraeg, nagsasagawa ng regular na Oplan Galugad ang mga tauhan ng Taguig police kaugnay sa pagpapatupad ng Simultaneous Anti Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) nang mamataan nila si Talavera habang lantarang naninigarilyo na malinaw na paglabag sa umiiral na City Ordinance No. 15 Series of 2017 o ang Anti-Smoking Policy ng lungsod.

Nang lapitan at sitahin ng mga pulis si Talavera at ihayag sa kanya ang nagawang paglabag, naging mailap at hindi mapakali ang lalaki, habang pilit na tinatakpan ang laman ng bulsa ng suot na damit kaya’t inatasan siyang ipakita kung ano ang laman nito.

Nang tumanggi ang suspek, dito na siya kinapkapan ng pulis na nagresulta sa pakakakumpiska sa tatlong plastic sachet na naglalaman ng shabu.

“Muli, isang matagumpay na operasyon laban sa illegal na droga ang naisakatuparan ng pulisya, nawa’y magsilbi itong babala dahil ang SPD ay patuloy sa kampanya laban sa mga nagtutulak at gumagamit ng illegal na droga”, pahayag ni P/BGen. Macaraeg.

AUTHOR PROFILE