
Lalaki timbog sa baril, bala sa Lipa
ARESTADO ang isang lalaki dahil sa paglabag sa Comelec gun ban noong Lunes ng gabi sa Bgy. San Carlos, Lipa City, Batangas.
Inaresto ang suspek ng pinagsanib na tauhan ng Intelligence Section ng Lipa City Police Station (CPS) at Batangas Police Provincial Office (BPPO) PSOG.
Nahuli ang suspek nang mapansin ng mga pulis ang kahina-hinalang kilos nito habang hawak ang kanyang body bag sa harap ng restaurant sa nasabing lugar.
Nang kapkapan ng mga otoridad ang bag ng suspek, nakita sa loob ang isang .357 revolver at anim na bala. Nakuha din sa bag ang isang hunting knife.
Walang naipakita ang suspek na dokumento para sa nasabing baril kaya dineretso na ito sa custodial facility ng Lipa police.