Lalaki pumatay dahil sa bulong

May 17, 2021 Melnie Ragasa-limena 189 views

ISA ang nasawi at dalawa ang sugatan nang magwala ang isang lalaki at pumasok sa isang bahay matapos umanong makarinig ng bulong na papatayin siya.

Idineklarang dead on arrival sa Quirino Memorial Medical Center ang biktimang si Dan Tadeo, 48, residente ng Bgy. Escopa 3, Project 4, Quezon City, matapos magtamo ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.

Patuloy namang ginagamot sa nasabing ospital ang mga sugatang biktima na sina Rodel Madrazo, 42, at Mark Anthony Garcia, 41, kapwa residente din ng nasabing baranggay.

Agad namang naaresto ng pulisya ang suspek na si Jerson De La Fuente, 34, kapitbahay ng mga biktima.

Sa imbestigasyon ng Crime Investigation Section ng QCPD, nangyari ang insidente ganap na alas 7 ng gabi, Mayo 16, 2021.

Ayon sa isang saksi, bigla na lang umanong pumasok ang suspek sa bahay ng biktimang si Tadeo.

Agad na inundayan ng saksak ng suspek ang biktima.

Matapos ang pananaksak kay Tadeo ay sunod niyang pinasok ang bahay ni Madrazo.

Tinangka ng mga biktimang sina Madrazo at Garcia na awatin ang suspek ngunit pati sila ay nasaksak din.

Naaresto ang suspek matapos rumesponde ang mga operatiba ng Project 4 Police Station.

Ayon sa suspek ay may bumubulong sa kaniya na papatayin siya kaya inunahan na niya.