Default Thumbnail

Lalaki pinagsasaksak ng 2 nambato ng kanilang bahay

December 6, 2021 Edd Reyes 251 views

PINAGTULUNGANG saksakin ng dalawang lalaki ang kanilang 56-anyos na kapitbahay na umawat sa ginagawa nilang pambabato Lunes ng madaling araw sa Malabon City.

Kung hindi kaagad nakalabas ng kanilang bahay ang mga kaanak ni Erineo Bachicha, vendor at residente ng Flovie Homes, Phase 5m Brgy. Tonsuya na nagsugod sa kanya sa pinakamalapit na pagamutan, malamang na mas malubha pa ang tamang tinamo niya mula sa pananaksak ng mga suspek na kanya ring kapitbahay.

Kaagad namang tumakas ang mga suspek na sina Ervie Bibe, 30m at Erwin Villaruel, nasa hustong gulang at residente rin sa naturang lugar makaraang mamataan ang mga nagresponde ng mga tauhan ng barangay sa kanilang lugar.

Sa ulat ni P/SSgt. Jeric Tindugan na isinumite sa tanggapan ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang magising si Bachicha sa ginagawang pambabato ng mga suspek sa kanilang bahay sa hindi pa malamang dahilan.

Lumabas ng bahay ang biktima upang awatin ang dalawang kapitbahay sa ginagawang pambabato subalit humantong lamang sa argumento ang kanilang komprontasyon hanggang bumunot ng patalim si Bibe at pinagsasaksak si Bachicha habang hawak ni Villaruel ang kanyang mga kamay.

Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 para sa pagdakip sa mga suspek subalit hindi na nila inabutan ang mga ito sa kani-kanilang tirahan.

AUTHOR PROFILE