Default Thumbnail

Lalaki patay sa kili-kili

June 7, 2023 Zaida I. Delos Reyes 311 views

PATAY ang isang 19-anyos na lalaki matapos na madaganan ng kapuputol lamang na puno ng “kili-kili” nitong Martes sa Bgy. Barugo, Leyte.

Kinilala ni Barugo Police chief Captain Renato Gerona ang biktima na si Christian Avila, residente ng Barangay Caboloan.

Batay sa ulat ng PNP, unang pinutol ni Albert Tangete ang puno gamit ang chainsaw at bumagsak ito sa pababang bahagi ng lugar.

Nagtungo umano ang biktima sa baba upang tabasin ang malalagong sanga ng puno habang pinuputol din ni Tangete ang malalaking sanga nito para maibiyahe.

Gayunman, isang sanga naman na may habang apat na metro ang aksidenteng gumulong at dumagan kay Avila na napadapa.

Sa pagkakadagan kay Avila, isang matulis na sanga ng puno ang tumarak sa kanya ng dibdib.

Dinala pa ng mga rumespondeng alagad ng batas ang biktima sa Rural Health Unit sa Barugo subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Wala namang nakikitang foul play sa aksidente.