Lalaki natagpuang patay sa ‘Baseco Beach’

January 31, 2022 Jonjon Reyes 90 views

ISANG hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuang palutang-lutang sa dagat na sakop ng tinaguriang “Baseco Beach” madaling araw nitong lunes sa Baseco Compound Port Area, Manila.

Tinatayang nasa 30 hanggang 40 anyos ang biktima, nakasuot ng short pants at walang saplot na damit pang itaas.

Base sa ulat na ipinarating nina Det. Jorlan Taluban at Det. Jason Ibasco kay P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District Homicide Section, bandang 4:00 ng madaling araw, nang mamataan ng isang mangingisda ang palutang-lutang na bangkay na inakala nito na naka-jackpot na siya sa malaking isda.

Nang kanyang lapitan, biglang umalingasaw sa masangsang na amoy at tumambad ang isang lalaki na ipinalalagay na may ilang araw ng babad sa tubig.

Hinala ng mangingisda na hindi na nagpaunlak ng kanyang pangalan na ang biktima ay isa rin umanong mangingisda.

Nakipag-ugnayan na ang mga pulisya sa mangingisda para makunan ng impormasyon ng MPD Station 12 Homicide Section.

Ang labi ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Cruz Funeral Morgue para isailalim sa awtopsiya kung sadyang nalunod o may foul play sa insidente habang inaalam ang pagkakakilanlan ng biktima. Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE