Default Thumbnail

Lalaki nasapak matapos ‘mabuking’ sa FB Live

May 16, 2022 Melnie Ragasa-limena 264 views

NASAPAK ang isang lalaki na nag-Facebook (FB) Live matapos makita ng kaniyang kapitbahay na kasama niyang umiinom ang misis nito sa isang restaurant sa Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Christian Albaniel Soleta, 28, binata, walang trabaho, tubong Sorsogon, at residente ng A Ocampo St., Bgy. UP Campus, Quezon City.

Kinilala naman ang suspek na si Noel Espeso Agrava, 32, may asawa, laboratory aid, tubong Leyte at naninirahan sa Employees Village A, Bgy. UP Campus, Diliman, QC.

Sa report ng Anonas Police Station (PS-9) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 10:00 ng gabi ng Mayo 15, nang maganap ang insidente sa loob ng Senties Food Trip Haws na matatagpuan sa Salvador St., Bgy. Krus na Ligas, sa lungsod.

Batay sa imbestigsyon ni P/Cpl. Eddielou G. Alon, napanood umano ni Agrava ang Facebook Live ng biktima kasama ang misis ng suspek at ilan pang mga kaibigan na nag-iinuman sa Senties Food Trip.

Dahil dito ay nakaramdam umano ng selos ang suspek nang makitang kasama ang kaniyang misis ng biktima kaya agad siyang nagtungo sa nasabing restaurant.

Pagdating sa restaurant ay agad na kinompronta ng suspek ang kaniyang misis at pagkatapos ay sinugod ang biktima saka binigyan ng isang malakas na suntok sa mukha.

Habang papaalis ang suspek kasama ang kaniyang misis ay sinigawan pa nito ang biktima ng “Antayin mo ko babarilin kita.”

Nang makaalis na ang suspek ay nagsumbong ang biktima sa PS-9 at agad naman naaresto ang suspek nina P/Cpl. Richard Joson at P/Cpl. Rommel Zuñiga.

Dinala naman ang biktima sa Quirino Memorial Medical Center para isailalim sa physical examination at gamutin ang tinamong sugat sa mukha malapit sa ilong.

Inihahanda na ang kasong serious physical injuries at grave threat laban sa suspek. Ni Melnie Ragasa-Jimena