Lalaki nanghipo, nagpakita ng ari sa QC bus terminal, arestado

January 23, 2022 Melnie Ragasa-limena 183 views

INARESTO ng pulisya ang isang 35-anyos na lalaki nang bigla umanong manghipo at maglabas ng ari sa harapan ng babaeng pasahero sa isang bus terminal sa Quezon City, nitong Linggo ng umaga.

Agad nadakip ang suspek na si Samero Morales Benaso, walang asawa, 35, at naninirahan sa 138 Ermin Garcia, Brgy. E. Rodriguez, QC.

Sa report ng Project 6 Police Station (PS-15), ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 6 a.m. (January 23), ng maganap ang insidente sa Carousel Bus terminal, EDSA, Brgy. Ramon Magsaysay, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Noelanie D Sumad-on ng Women and Children Protection Desk ng PS-15, nakatayo umano ang biktima sa terminal nang biglang lamasin ng suspek ang kaniyang dibdib saka naglabas ng ari sa kaniyang harapan.

Dahil dito ay nagsisigaw ang biktima kaya nakatawag ng pansin ng mga nagpapatrulyang tanod ng Brgy. Ramon Magsaysay at agad na binitbit ang suspek.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 11313 in relation to Sec. 14, no. 7, RPC.