Lalaki nangharang ng suspek, patay

October 4, 2021 Melnie Ragasa-limena 274 views

NASAWI ang isang lalaki matapos na harangin ang lalaking nanaksak ng kaniyang pinsan at sa isa pang kainuman nito sa Barangay Sta. Lucia, Novaliches Quezon City, nitong Lunes ng madaling araw.

Ang biktimang namatay ay nakilalang si Sofronio Chan Melchor, 23, binata, construction worker at residente ng Bukanig St., Brgy. Sta Lucia Novaliches, Quezon City.

Sugatan naman sina Julius Chong Tan, 43. may asawa, driver, at naninirahan sa No. 22 A. Dela Cruz St., Sta Lucia Novaliches, at Danilo Leyson Barrina Jr., 20, binata, stock clerk ng No. 108 J.P. Rizal St., Brgy., Sta Lucia, QC. Sila ay kapwa naka-confine ngayon sa Quezon City General Hospital.

Nakatakas naman ang suspek na si Frenz Mannuel Tan, nasa hustong gulang, at residente ng No. 22 A. Dela Cruz Barangay Sta Lucia Novaliches, sa lungsod. Siya ay pinsan umano ng isa sa mga biktima na si Julius.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-12:00 ng madaling araw (October 4), nang maganap ang insidente sa Interior-19 Brgy., Sta. Lucia, Novaliches, QC.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl. Jerome Mendez, nag-iinuman umano sina Julius at Danilo kasama ang testigong si Vincent Llantos sa nang dumating ang suspek na si Frenz at sa hindi malamang dahilan ay hinamon ang pinsan niya na magdwelo sila sa kutsilyo.

Hindi pinatulan ni Julius ang pinsan at pinayuhan na umuwi na lamang sa kanilang bahay pero makalipas ang ilang minuto ay nagbalik ang suspek na armado ng patalim.

Nagulat na lamang ang tatlo nang saksakin ng suspek si Danilo kaya agad na umawat si Julius subalit inundayan rin siya ng patalim ng kaniyang tila galit na galit na pinsan.

Nang makitang kapwa duguan na ang mga biktima ay tumakas ang suspek patungong M. Aquino St., pero hinabol siya ni Llantos habang humihingi ng saklolo.

Narinig naman ni Melchor na noon ay nakaistambay sa eskinita ang paghingi ng saklolo ni Llantos kaya nang papalapit na sa kaniya ang tumatakas na suspek ay hinarang niya ito pero sinaksak din siya nito sa dibdib.

Agad na isinugod ni Llantos si Melchor sa Metro North Medical Center subalit binawian din ito ng buhay bandang alas- 3:14 ng madaling araw, ayon kay Dr. Maribeth A Directo.

Masusi nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya habang tinutugis pa ang suspek.