
Lalaki nalambat sa baril, shabu
ARESTADO ang hinihinalang suspek sa pagtutulak ng ilegal na droga matapos mahulihan ng 2.5 na gramo ng shabu, baril at bala sa Manabat St., Sta. Filomena, Brgy. San Antonio, Biñan City, Laguna noong Biyernes.
Sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Glenda Mendoza-Ramos ng Regional Trial Court (RTC) Branch 36 sa Calamba City, tinimbog si Alyas Ron Jacob dahil sa paglabag sa RA 9165.
Nakuha ng mga pulis sa suspek ang 2.5 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P17,000.
Nakalagay ang droga sa coin purse kung saan narekober din ang isang 38 caliber revolver at anim na bala.
Natiklo ang suspek sa raid ng Drug Enforcement Unit ng Biñan police ganap na alas-5:40 ng hapon.
Mahaharap din ang suspek sa paglabag sa kasong illegal possession of firearm habang kasalukuyang nakakulong sa Biñan City jail.