Lalaki nakitang dedo sa bakal na bakod

May 16, 2022 Melnie Ragasa-limena 72 views

NATAGPUANG duguan at wala nang buhay ang 49-anyos na lalaki na hinihinalang nagpatiwakal sa pamamagitan nang pagsaksak sa kaniyang katawan sa patusok na bakal ng bakod ng isang tahanan sa Quezon City, nitong Lunes ng umaga.

Ang biktima ay residente ng Bgy. Pasong Tamo, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 5:42 ng umaga ng Mayo 16 nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa harapan ng isang tahanan sa Villanova Subdivision, Bgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches.

Batay sa imbestigasyon ni Pat. Nestor V Ariz Jr., ang bangkay ng biktima ay naispatan ng isang baranggay tanod.

Nang alamin ng mga awtoridad sa naka-install na CCTV (closed-circuit television) camera, nakitang pilit na isinasaksak ng biktima ang kaniyang katawan sa bakal na bakod ng bahay bandang 7:30 ng gabi ng May 15.

Dahil dito nang siyasatin ng mga awtoridad, nadiskubreng may bahid ng dugo ang dulong patusok ng mga bakal sa bakod.

Ayon naman sa nakasaksing na nagpakilalang “Reydan:, nakita niya ang halos nakabaluktot na katawan ng biktima sa ibabaw ng bakod pero hindi na niya ito pinigilan pa ng sabihin sa kaniya ng babaeng kapatid na baka sumusuka lamang ang biktima.

Sa pagsisiyasat naman ng SOCO (Scene of the Crime Operation) Team mula sa QCPD Forensic Unit na pinamumunuan ni P/Maj. Joseph Infante, ang biktima ay nagtamo ng maraming malalalim na sugat sa katawan.

Masusing iniimbestigahan naman ng mga awtoridad kung aksidente o sadyang nagpakamatay ang biktima sa patusok na bakal ng bakod ng tahanan sa nasabing lugar.

Nabatid naman sa isang kamag-anak ng biktima na nito lamang nakaraang Mayo 14, ay nagtangkang magpakamatay ang biktima nang tumalon sa riles ng LRT Station pero agad namang nailigtas ng mga guwardiya.

Nagsimula umanong naging malungkutin at palaging umiinom ng alak ang biktima nang mamatay ang asawa nito noong nakaraang taon. Ni Melnie Ragasa-Jimena