Lalaki nakitang bangkay, may tama ng bala sa tabi ng kama

November 3, 2021 Melnie Ragasa-limena 60 views

NATAGPUANG wala ng buhay at may tama ng bala ng baril sa ulo at dibdib ang isang 25-anyos na lalaki sa tabi ng kaniyang kama sa Brgy. Pinyahan, Quezon City, nitong Martes ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Jefferson Dy Tan, 25, binata, walang trabaho, at residente sa No.53-A, Mapang-akit St., Brgy. Pinyahan, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-6:30 ng gabi (November 2), nang madiskubre ang duguang katawan ng biktima sa loob ng kaniyang tahanan sa nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Jerome Mendez, ang biktima ay mag-isa lamang sa kaniyang tahanan habang ang kaniyang ama na si Jaime Uy Tan ay naninirahan naman ‘di kalayuan sa bahay ng anak.

Ayon sa matandang Tan, inimpormahan umano siya ng kaniyang helper na si Danny Subiza na nakita umano nito na bukas ang gate ng tahanan ng anak.

Dahil dito ay agad na pinuntahan ng matandang Tan ang bahay ng anak at doon ay bumungad sa kaniya ang duguang katawan nito na nakaluhod sa tabi ng kama at may tama ng tig-isang bala ng baril sa dibdib at ulo.

Nabatid na nakita sa CCTV Camera ang pagdating ng biktima sa kaniyang tahanan at ipinarada ng combat-position ang kaniyang minamanehong SUV motor vehicle bandang alas- 9:56 ng gabi noong November 1.

Bandang alas- 10:04 ng gabi ng parehong petsa ay nakita ang batang Tan na nakatayo sa harapan ng bahay habang may kausap sa cellphone.

Makalipas ang ilang minuto, isang puting van naman ang nakitang pumasok sa nakabukas na gate ng tahanan ng biktima at nagparada rin ng combat-position.

Pagsapit ng alas-10:10 ng gabi, binuksan ng di kilalang lalaki ang gate ng tahanan ng biktima, at lumabas ang puting van patungo sa direksiyon ng Mapang-akit St., Barangay Pinyahan, sa lungsod.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa motibo ng pagpatay sa biktima.

Nakasamsam naman sa crime scene ang SOCO team na pinamumunuan ni PMaj. Joseph infante na dalawang fired cartridge cases, live ammunition ng caliber 45.