Lalaki nakipaglamay, pinaglamayan

December 17, 2022 Zaida I. Delos Reyes 97 views

ISANG lalaki ang nasawi matapos pagbabarilin ng malapitan ng hindi pa nakikilalang suspect habang nakikipaglamay sa namatay na pinsan nitong Sabado ng madaling araw sa bayan ng Lupi, Camarines Sur.

Nakilala ang biktima na si Manuel Lumaban, magsasaka at residente ng naturang lugar.

Ang biktima ay nagtamo ng tama ng bala ng .45 na baril sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Batay sa ulat ng Camarines Sur Police Provincial Office (PPO) ang insidente ay naganap dakomg 12:00 ng madaling araw sa burol ng namatay na pinsan ng biktima sa Barangay Colacling ng nasabing bayan.

Nakikipaglamay umano ang biktima nang bigla itong lapitan ng suspect at walang sabi-sabing pinagbabarip sa ulo at katawan.

Matapos ang insidente ay mabilis ding tumakas ang suspect habang sinubukan pang isugod sa pagamutan ang biktima subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Nakakuha naman ang pulisya ng pitong basyong bala ng kalibre .45 ng baril sa lugar ng insidente.

Sa kasalukuyan, patuloy ang ginagawang imbestigasyon hinggil sa pagkakakilanlan ng suspect at sa motibo nito sa pamamaslang sa biktima.