Posas

Lalaki muntik mautas sa panghoholdap

August 6, 2023 Edd Reyes 210 views

SUNTOK at sipa ang tinamo ng 39-anyos na welder mula sa mga humabol sa kanya matapos holdapin ang isang biyuda Sabado ng umaga sa Malabon City.

Kung hindi sa maagap na pagdating nina P/Cpl Dionisio Tagasa Jr, P/Cpl Ninoy Aquino at P/Cpl John Ray Jangas ng Malabon Police Sub Station 6, malamang na nalamog ng husto sa gulpi ang suspek na si Marvin Saraga ng 085 Catteleya St. Brgy. NBBS Proper, Navotas City.

Sa report ni P/SSgt. Jeric Tindugan kay Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan, naglalakad ang biktimang si Mardy Japzon, ng Jacinto St. Brgy. Concepcion sa Herrera St. Brgy. Ibaba, dakong alas-9:30 ng umaga nang harangin ng suspek at tutukan ng pen gun at nagdeklara ng holdap.

Sapilitang kinuha ng suspek ang salapi at cellular phone ng biyuda bago tumakas papuntang Gen. Luna St. sa Barangay Concepcion.

Dito na nagsisigaw at humingi ng tulong ang biyuda kaya hinabol ng mga kalalakihan at kinuyog hanggang sa dumating ang mga pulis.

Nabawi sa suspek ang tinangay na mobile phone sa biktima at P350 cash. Nakumpiska rin ang ginamit na pen gun na may dalawang bala ng kalibre .38.

AUTHOR PROFILE