Lalaki ‘minolestiya’ 1-taong gulang, kulong

January 6, 2022 Melnie Ragasa-limena 161 views

SA KULUNGAN ang bagsak ng isang lalaki makaraang molestiyahin umano ang isang taong gulang na anak ng kaniyang kinakasama sa Barangay Culiat Quezon City, noong Martes ng hapon.

Batay sa report ng Holy Spirit Police Station 14 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 3 p.m, (January 4) ng maganap ang insidente sa loob ng tahanan ng suspek sa nasabing barangay.

Ayon kay PCpl. Girlie V Sison ng Women and Children Protection Desk ng PS 14, nakita umano ng ina na kinuha ng kaniyang kinakasamang lalaki ang kaniyang anak.

Hindi naman umano nag-alala ang ina ng bata sa pag-aakalang ipapasyal lamang ang kaniyang anak.

Pero makalipas ang ilang minuto ay nakita ng ina na hawak ng suspek ang puwitan ng bata habang inaayos ang suot nitong damit.

Dahil dito ay kinuha ng ina ang bata saka sinuri ang kaselanan nito at ng makitang namumula ay agad niyang inireport sa mga opisyal ng kanilang barangay.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 8353 laban sa suspek.