Lalaki lumuhod, nagdasal muna bago tangayin donation box sa simbahan

June 5, 2022 Melnie Ragasa-limena 91 views

NAGDASAL muna bago tinangay ng isang lalaki ang pera sa loob ng donation box ng isang Simbahan sa Quezon City, nitong Sabado ng gabi.

Ang suspek na nakilalang si Jhon Mark Delos Reyes, 34, binata, walang trabaho, at residente ng P. Sanchez St. Brgy. 602 Sta. Mesa, Manila ay nakakulong na ngayon sa Galas Police Station (PS-11) ng Quezon City Police District (QCPD).

Ayon sa report bandang 11 p.m. (June 4) nang maganap ang nakawan sa loob ng Mount Carmel Church na matatagpuan sa 16th St. For. Broadway, Brgy. Mariana, Quezon City.

Batay sa imbestigayon ni PCMS Jonar C. Jorta, pumasok ang suspek sa loob ng simbahan at nakita pang lumuhod at nagdasal.

Pero nang makitang wala nang tao sa loob ng Simbahan ay pasimple niyang binuksan ang donation box at nilimas ang pera doon na umabot sa halagang P 4,184.50 saka mabilis na lumabas.

Lingid sa kaalaman ng suspek, pinagmamasdan na siya ng security guard ng simbahan na si Jhason Castillano na agad namang tinawag ang mga pulis na malapit sa lugar na sina PCpl Jason Sibolboro at PCpl Reymark Salingguhay at naaresto ang kawatan.

Nahaharap sa kasong theft ang suspek.