Lalaki ligtas sa Navotas ambush

April 22, 2022 Edd Reyes 115 views

NAKALIGTAS sa tiyak na kamatayan ang 26-anyos na lalaki mula sa dalawang armadong suspek na bumaril sa kanya Huwebes ng madaling araw sa Navotas City.

Naglalakad ng pauwi si Jeffrey Antonio, residente ng Roldan St., Bgy. Tangos South nang salubungin siya ng dalawang suspek na kinilala lamang niya sa mga alyas “Patrick” at “Tonyo” dakong alas-3:30 ng madaling araw sa naturang lansangan.

Nagulat na lamang ang biktima nang bumunot ng baril ang isang alyas Patrick at kaagad siyang pinaputukan na tumama sa kanyang kaliwang binti.

Bagama’t sugatan, nagawa pang kumaripas ng takbo si Antonio subalit hinabol siya ng dalawang suspek hanggang makarating sa Barangay Hall ng Bgy. Tangos South at dito na siya humingi ng tulong sa mga barangay tanod.

Napilitan namang tumakas ang dalawang humahabol na suspek nang makitang naglabasan sa barangay hall ang mga iba pang opisyal ng barangay na nagdala sa biktima sa Tondo Medical Center upang magamot ang tinamong tama ng bala sa kaliwang binti.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril habang iniutos na ni Navotas Police Chief P/Col. Dexter Ollaging ang agarang pagtugis sa mga suspek.

AUTHOR PROFILE