Lalaki huling nililibing fetus na pinalaglag niya

June 4, 2021 Melnie Ragasa-limena 101 views

14-anyos na anak-anakan nabuntis ng suspek 

NAHULI sa akto ang isang lalaki habang naglilibing ng fetus na kaniyang ipinalaglag umano nang mabuntis niya ang kanyang anak-anakan, sa isang bakanteng lote sa Barangay Greater Lagro Quezon City, Huwebes ng gabi.

Sa inisyal na report, nabuntis umano ng suspek (di pinangalanan) na residente ng Caloocan City, ang 14-anyos na dalagitang anak-anakan at pagkatapos ay kaniyang ipinalaglag.

At dahil hindi umano niya alam kung saan ito ililibing kaya naghanap siya ng tagong lugar hanggang umabot siya sa Quezon City.

Ayon kay Leo Garra ng Brgy. Greater Lagro, nakita nila na may hawak na plastik ang suspek sa ilalim ng puno at nang lapitan ay namataan ang mga tela na may mga dugo kaya nang siyasatin ay bumungad sa kanilang ang patay na fetus na tinatayang anim hanggang pitong buwan.

“Actually ready na niyang ilibing yung bata, may hukay na po,” ayon kay Pritz Archie Salibio, miyembro ng Task Force Disiplina ng QC.

Sinabi naman ng suspek na nasa ibang bansa ang kinakasamang ina ng kaniyang nabuntis na anak-anakan at natakot siya na malaman nito, at naaawa din siya sa dalagita dahil bata pa ito at ayaw niyang masira ang kinabukasan.

“Nag-aalangan ako sa mama niya kasi nasa ibang bansa, tapos bata pa yun, masisira ang kinabukasan,” ayon sa suspek.

Itinurn-over sa Caloocan City Police ang suspek kung saan sasampahan ng reklamong intentional abortion.