Default Thumbnail

Lalaki hinataw, sinaksak ng 2 menor-de-edad

August 28, 2021 Edd Reyes 358 views

KRITIKAL ang 19-anyos na lalaki nang pa-traidor paluin ng matigas na bagay sa ulo at saksakin sa likurang bahagi ng katawan ng dalawang menor-de-edad na kabataan Biyernes ng gabi sa Malabon City.

Inoobserbahan pa sa Caloocan City Medical Center ang kalagayan ng biktimang si Ericson Atamosa, residente ng 789 Blk 3 Lot 6 Phase 3-J Tahong Alley, Bgy. 20 Caloocan City, matapos na isailalim sa mga pagsusuri sanhi ng mga tinamong mga sugat sa likod, ulo at balikat.

Nagsasagawa naman ng manhunt operation ang mga tauhan ni Malabon City Police chief P/Col. Albert Barot laban sa dalawang menor-de-edad na suspek na ang isa ay nakilala lamang sa alyas “Adeng,” 16-anyos at residente ng Block 12, Lot 2 Area 3 Bgy. Longos, Malabon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSgt. Jose Romeo Germinal II, naglalakad ng pauwi ang biktima, kasabay ng dalawa pang kaibigan, dakong alas-11 ng gabi sa Block 10, Phase 2, Area 3, Bgy. Longos nang biglang sumulpot mula sa kanyang likuran ang dalawang kabataang suspect pagsapit sa tapat ng Longos Public Market.

Bigla na lamang hinataw sa ulo at balikat ng isa sa suspek si Atamosa habang bumunot ng patalim ang isa pa at inundayan siya ng saksak sa likod bago kapuwa mabilis na tumakas matapos na duguang nahandusay ang biktima.

Inaalam pa ng pulisya kung ano ang motibo ng pa-traidor na pagsalakay ng dalawang menor-de-edad na suspek sa biktima.

AUTHOR PROFILE