Kulong

Lalaki himas-rehas sa ‘pangluluray’ sa 12-anyos na bebot

August 2, 2024 Edd Reyes 135 views

NAGHIHIMAS na ng malamig na rehas ang 51-anyos na umano’y “lumuray” sa batang babaeng estudyante at personal pang nasaksihan ng kanyang nakababatang kapatid na lalaki sa Taguig City noong Miyerkules.

Kusang sumuko ang suspek na si alyas Tirso, ng Brgy. Ibayo-Tipas, sa tanggapan ng Violence Against Women and their Children (VAWC) ng kanilang barangay matapos matuklasang naghain ng reklamo laban sa kanya ng ina ng 12-anyos na dalagita na si alyas Nene.

Sa ulat ni Taguig police chief P/Col Christopher Olazo kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, dakong alas-6:00 ng gabi nang sunggaban ni Tirso ang biktima na naglalakad sa Capistrano St. at puwersahang dinala sa bakanteng lote kung saan niya “niluray” ang katawan ng bata.

Pinagbantaan pa ng suspek na papatayin ang biktima at ang kanyang buong pamilya kapag nagsumbong sa kanyang ina na dahilan ng matinding takot ng bata.

Ang hindi alam ng suspek, nasaksihan ng 9-anyos na lalaking kapatid ng biktima ang pangyayari kaya isinumbong sa kanilang ina.

Ayon kay P/SSg Charmaine Cabalonga ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD), sasampahan nila ng kasong Statutory Rape ang suspek na nakapiit ngayon sa detention facility ng Taguig Police Station.

AUTHOR PROFILE