Lalaki, guro dedo dahil sa away-lupa
KALABOSO ang isang 73-anyos na lolo matapos nitong tambangan at saksakin hanggang sa mapatay umano ang kanyang pinsan dahil sa umano’y away sa lupa sa Minglanilla, Cebu.
Nakilala ang suspect na si Mario Radana, 73, residente ng Sitio Kambaye, Barangay Campo 7, sa naturang bayan.
Hindi na umabot ng buhay sa Minglanilla District Hospital ang biktimang si Regino Dela Torre, 58, pinsan ng suspect.
Batay sa ulat ng PNP, naganap ang insidente dakong 6:30 p.m. nitong Sabado sa Sitio Kambaye.
Nakikipag-inuman umano ang biktima sa kanyang mga kaibigan at nang malasing ay nagpaalam siyang uuwi na.
Gayunman, nang papauwi ang biktima ay tinambangan ito ng suspect at walang sabi-sabing pinagsasaksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspect habang isinugod naman sa pagamutan ang biktima subalit hindi na ito umabot ng buhay dahil sa malalim na tama ng saksak sa batok.
Naaresto ang suspect sa follow-up operation ng pulisya at sinampahan narin ng kasong murder sa piskalya ng lalawigan.
Titser pinatay ng bayaw sa away sa lupa
Samantala, patay ang isang 36-anyos na guro matapos itong pagbabarilin umano ng kanyang bayaw dahil lamang sa away sa lupa sa Bulacan.
Batay sa isinumiteng ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr. ng Malolos police, kinilala ang biktima na si Mark Anthony Benedict, residente ng 1069 Tawiran St., Bgy. Panasahan, Malolos City, Bulacan.
Ang suspect ay ang bayaw ni Benedict na si James Emerson Fernando, 30.
Bago ang pamamaril, nagkrus and landas ng magbayaw at nagkasagutan sa dati nang alitan sa lupa.
Sa kainitan ng away, bumunot umano ng baril ang suspect at pinagbabaril ang biktima saka mabilis na tumakas.
Ilang mga nakasaksi sa insidente ang nagsugod sa biktima sa pinakamalapit na pagamutan kung saan ito idineklarang patay.
Agad na nagpalabas ng flash alarm and pulisya ng Malolos para sa kagyat na pagdakip sa tumakas na suspect. Nina ZAIDA DELOS REYES & BERNARD GALANG