Lalaki ginilitan sa leeg ng holdaper

December 8, 2022 Edd Reyes 151 views

SUGATAN ang 25-anyos na lalaki nang gilitan sa leeg ng holdaper na tumangay sa kanyang mobile phone sa Valenzuela City.

Sa kabila ng tinamong sugat sa leeg, nagawa pang humabol ng biktimang si Allan Paul Gapusan, residente ng Brgy. Bagbaguin, Caloocan City, habang humihingi ng tulong na nakatawag pansin sa mga barangay tanod at pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Kinilala ni Valenzuela Police Station Investigation Unit chief P/Lt. Armando Delima ang nadakip na holdaper na si Jay Guzman, 38 ng Valdez St. Paso de Blas, sa naturang lungsod.

Batay sa imbestigasyon nina P/SSgt. Regimard Manabat at P/SSgt Laude Pillejera, naglalakad ang biktima sa Maysan Road noong Lunes ng gabi nang tutukan sa leeg ng patalim ng suspek sabay hablot sa kanyang cellular phone.

Tinangkang manlaban ng biktima subalit nilaslas ng suspek ang kanyang leeg bago mabilis na tumakas, tangay ang kanyang mobile phone.

Nakatawag pansin naman sa mga nagrorondang barangay tanod ang paghingi ng saklolo ng sugatang biktima at sa tulong ni P/Cpl. Jomar Guiyab ng Karuhatan Police Sub-Station 9, nadakip ang suspek makaraan ang maikling habulan.

Nabawi sa suspek ang mobile phone na tinangay pati na ang ginamit niyang patalim habang isinugod naman sa pagamutan ang biktima na kaagad nalapatan ng lunas sa tinamong gilit sa leeg.

AUTHOR PROFILE