Lalaki binutasan ng bala sa ulo sa QC videoke bar
DEAD on the spot ang isang lalaki matapos barilin sa ulo ng dalawang lalaki sa loob ng isang videoke bar sa Barangay Commonwealth, lungsod ng Quezon nitong Sabado ng gabi.
Nagtamo ng dalawang tama sa ulo at leeg ang biktimang si Romualdo Ranit, 55, residente ng Kaunlaran Street, Barangay Commonwealth, Quezon City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD-CIDU) nangyari ang insidente alas onse ng gabi, Hulyo 22, 2023 sa
Lucky Jean Videoke Bar na matatagpuan sa kahabaan ng IBP Road, Barangay Commonwealth, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni PSSg Angel T Pascasio III ng QCPD-CIDU bandang alas diyes ng gabi ay pumasok ang dalawang suspek sa nasabing bar at uminom ng alak. Nang maubos ang iniinom na alam ay lumipat umano sila sa katabing bar.
Makalipas ang kalahating oras ay dumating ang biktima sa Lucky Jean Videoke Bar at umorder din ng alak.
Ngunit sa kalagitnaan ng kaniyang pag-iinom ay biglang sumulpot ang mga suspek sa nasabing bar.
Agad na dumiretso umano ang mga suspek sa direksyon ng biktima. Isa sa dalawang suspek ang bumunot ng baril at walang sabi sabing pinutukan ng dalawang beses ang biktima ng malapitan sa ulo.
Tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.
Habang agad naman na nagreport ang manager ng nasabing videoke sa pulisya.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing pamamaril pati na ang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga salarin.