Default Thumbnail

Lalaki binaril up close and personal, patay

June 17, 2021 Melnie Ragasa-limena 716 views

NASAWI ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng malapitan ng mga hindi pa nakilalang mga supek sa Barangay Payatas, Quezon City. nitong Huwebes ng madaling araw.

Ang hindi pa nakilalang biktima ay tinatayang nasa edad 40- 48, may taas na 5’4” hangang 5’5”, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng gray cargo short at t-shirt ay may mga tattoo sa likuran at kaliwang braso.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-1: 15 ng madaling araw (June 17), ng maganap ang pamamaril sa Leyte Street, Group-7, malapit sa kanto ng Payatas Road, Barangay Payatas, sa nasabing lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PSMS Marvin P Masangkay, nakarinig umano ng tatlong putok ng baril ang residenteng nakilalang si Rabago at nang kaniyang silipin ay nakita niya ang duguang nakabulagtang lalaki sa tabi ng nakaparadang Nissan Centra na may plakang TVO 875.

Kasunod naman na naispatan ni Rabago ang isang sedan vehicle na hindi naplakahan ang humahagibis na tumakas patungong Payatas Road.

Agad na inireport ng saksi sa kanilang mga opisyal ng Barangay Payatas ang nangyaring krimen na siya namang tumawag sa mga pulis para sa imbestigasyon.

Nasamsam sa crime scene ng SOCO team sa pamumuno ni PLt. Reynold Tabbada ang tatlong basyo ng bala ng di pa batid na kalibre ng baril.

Ayon kay Tabbada, ang biktima ay nagtamo ng tatlong tama ng bala sa ulo na agad na ikinamatay nito.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung ang biktima ang may- ari ng nakaparadang Nissan Centra kung saan ito natagpuan at kung ano ang motibo sa naganap na krimen.