Default Thumbnail

Lalabas ang katotohanan sa joint venture ng DepEd laptop

August 24, 2022 Tess Lapuz-Lardizabal 426 views

Tess LardizabalANG dami ng sumawsaw sa isyu ng biniling laptop ng Department of Education (DepEd) para sa mga guro nitong pandemya matapos itong kalampagin ng Commission on Audit (COA).

Ayon sa COA mahal daw at luma na ang feature ng laptop.

Pero hindi ba’t maraming pinagdadaanan ang supplier at siyempre may basbas ito ng nasa likod ng pag-order ng mga laptop.

Kung ano ang hiningi iyon dapat ang idedeliber lalo na’t malaking kompanya ang nasa likod ng deal kaya’t paniguradong hindi ito papasok sa masalimuot na kasunduan.

Tatlong supplier ang nasa likod ng joint venture kabilang ang LDLA Marketing & Trading Inc.

Ang grupong ito, lalong lalo na ang LDLA Marketing & Trading Inc ay hindi na bago sa industriya at katunayan, hindi na nga matatawaran ang rekord nito sa mga proyektong pinasok sa sektor ng pamahalaan.

Hindi lang ‘yan dahil mahaba na ang listahan ng mga proyektong pinasok nito sa pamahalaan at ang mga ito ay kinabibilangan ng Mindanao State University (MSU) kung saan nakapag-set up sila ng Smart Campus na may super-bilis na 1gbps internet connection na katumbas ng 1,000 mbps na bilis kaya nakatulong ng malaki sa mga estudyante at guro ng institusyon mula noong kasagsagan ng pandemya hanggang ngayon.

Bukod sa MSU, naserbisyuhan din ng LDLA ang Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Transportation (DOTr), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Bureau of Customs, Bureau of Immigration, Insurance Commission, PAGCOR, Philippine Coast Guard at ang National Telecommunications Commission (NTC).

Sa larangan naman ng pribadong sektor, nakatrabaho na rin ng kumpanya ang Microsoft, DellComputers, Epson, Samsung, Huawei, Globe, PLDT, Fujitsu at Canon at lahat ng mga ito ito ay walang naging problema.

And take note, ang LDLA ang unang pinipili ng Dell para maging partner sa mga projects nito sa bansa.

Pinagkatiwalaan din ang LDLA ng LTO dahil sa kasalukuyan ay may mga proyekto ito sa ahensiya gaya ng modernong Road Safety Interactive Center at Training Hub ng ahensiya. Ang LDLA rin ang tumulong para mabuo ang Central Command Center nito.

Ang Smart Campus ng Marikina Polytechnic College at Romblon State University, ang modernisasyon ng Central Bicol State University for Agriculture at ng MSU campus sa Marawi City ang ilan pa sa mga proyekto ng LDLA.

Kaya nga ang tanong ng mga ‘Marites’ kung mahinang klaseng supplier at partner ito sa proyekto, bakit walang umangal sa mga ahensiya at pribadong sektor na nabanggit?

Sabagay ganyan talaga kapag hitik sa bunga pilit na binabato.

Pero darating ang panahon at lalabas din ang katotohanan sa isyung ikinukulapol sa joint venture.

Kung pagbabasehan ang mga karanasang ito ng LDLA, masasabing hindi naman sila isang kumpanya na parang kabute lamang sumulpot sa bidding. Pero ang patuloy na katanungan, ganon ba talaga kamahal ang kanilang laptop o sadyang marami lamang naki-markup pa along the way kaya umabot ito sa ganung halaga?

Maaring lehitimo ang supplier ng kontratang ito na pinasok ng DepEd pero hindi puwedeng balewalain at hindi maikakaila na may malalim na istorya kung bakit umabot ang presyo ng ganitong klase ng laptop sa napakataas na halaga. Mahaba-habang usapan ito na nangangailangan ng matinding balitaktakan at paliwanagan.