Lakbayaw, Buling-Buling matagumpay na ginanap
NAGING matagumpay ang ginanap ng “Lakbayaw Festival” sa Tondo at “Buling-Buling Festival” sa Pandacan matapos ang dalawang taong hindi ito naisagawa sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Sto Niño dulot ng pandemya.
Dinaluhan nina Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan, Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto at mga konsehal ng Unang Distrito at Ika-anim na Distrito ang naturang mga pagdiriwang sa magkahiwalay na lugar sa Tondo at Pandacan nitong Sabado ng hapon.
Matapos ang misa sa Archdiocesan Shrine of Sto. Niño – Tondo, nagtanghal ang iba’t ibang mga mananayaw sa Lakbayaw Festival 2023 na pinangnahan ni 1st District Congressman Ernix Dionisio.
Kasama naman sa pagsalubong ng dalawang imahe ng Sto. Niño sa Distrito ng Pandacan sina Hermana Mayora Honey Lacuna, Hermana Mayor Yul Servo Nieto, Sixth District Councilor Philip Lacuna at iba pang mga panauhin.
Pawang mga nakausot ng makukulay at makintab na damit naman ang nagsisayawan sa ginanap na Buling-Buling habang naglalakad, bitbit ang imahe ng Sto Niño sa pangunguna nina Mayor Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo para sa pagsasalubong ng imahe ng Sto. Niño Iglesia Filipina Independiente at Sto. Niño Parish Pandacan.
Matapos ang pagsasalubong, sabay na nagtungo ang mga nagsasayaw at naglalakad patungo sa| Liwasang Balagtas.
Makaraan ang maikling programa, isinagawa na ang prusisyon na nilahukan ng maraming mga imahe mula sa iba’t ibang mga barangay at mga pamilya, habang isinayaw ang kanilang mga bitbit na imahe ng Sto. Niño, suot pa rin ang mga makukulay na damit pangkasuotan bilang tradisyon sa pagdiriwang ng Kapistahan.