Laila

Laila, dedma sa titulong ‘Queen of FM Radio’

November 20, 2023 Ian F. Fariñas 87 views

DEDMA na si Laila Pangilinan, a.k.a. DJ Laila Chikadora, sa titulong “Queen of FM Radio,” na dati’y ipinangsasabong sa kanila ng fans ng kapwa 92.3 Radyo5 True FM anchor na si DJ Chacha.

“Ay, wala na ako sa title. ‘Pag tita na ‘ata, ‘di mo na iisipin ‘yung title, ‘di ba? Parang happy ka na lang na ‘yung span mo ng nasa radyo ka ng 20 plus years, nand’yan ka pa,” sey ni DJ Laila sa pocket presscon ng bago niyang daily program na Shoutout sa 92.3 Radyo5 True FM, 8-9:30 p.m.

Beterana na ngang maituturing si DJ Laila dahil taong 2001 pa siya nag-umpisang marinig sa himpapawid sa una niyang istasyon, ang Love Radio.

Mula Love Radio, nagpalipat-lipat siya ng istasyon — DWRR, Wow FM at ngayon nga’y sa 92.3 Radyo5 True FM.

Feel ni DJ Laila ang Shoutout dahil although hindi showbiz (kung saan siya nakilala) free wheeling ang ganap at unlimited ang interaksyon sa listeners.

“Kaya siya shoutout kasi parang it’s calling attention, greeting. ‘Yun siya. ‘Yun ‘yung programa. We also play music, anything. Meron pa kaming segment na Hashtag sa True Love Notes. Maiiksi lang siyang love stories, may happy, may pagkasawi, may inspirational,” pahayag niya.

Nu’ng DJ siya sa ABS-CBN, sanay siya sa apat na oras na programa dahil pulos music lang. Sa Shoutout, mas lamang ang talk kesa pagpapatugtog ng music.

“Iwas bagot,” aniya, “may interaction talaga with people, stuck ka ba sa EDSA? Shout out ka. Para nga akong arowana sa radio station, tinatanggal ko ang bagot nila. Back trip ka? O sige, usap tayo. Pero minsan talaga, may mga seryosong tumatawag.”

Bukod sa “Love Note Hour,’ kabilang din sa segments ng Shout Out ang “Love Stories” at “Dedication Corner.”

Samantala, ang Shoutout ay bahagi ng “12 Gifts of TRUE Christmas” ng Radyo5 para sa kanilang loyal listeners ngayong Kapaskuhan.

Kung heartfelt conversations naman ang trip n’yo, nariyan ang Heart-2-Heart na anchored naman ni Arnold Rei dela Cruz, araw-araw mula 12 ng tanghali hanggang ala-una ng hapon.

AUTHOR PROFILE