Default Thumbnail

LAGYAN NG LASON ANG SHABU!

March 18, 2023 Marlon Purification 483 views

Marlon PurificationMATAGAL nang nababalita ang talamak na recycling ng droga.

Sabi nga ay 20 taon na raw nagaganap ito, ayon mismo sa asset ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos humarap sa pag­dinig ng House Committee on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers.

Inamin ng impormante na droga rin ang tinatanggap niyang reward at hindi cash.

Diumano, 30 hanggang 70 percent ang nakukuha niyang reward.

Ang matindi pa rito, hindi lahat ng nakukumpiskang droga ay dinideklara ng mga miyembro ng drug enforcement unit.

Sinabi ng impormante, sa 100 kilo ng drogang nakumpis­ka­, 22 kilo lamang ang idedeklara ng mga awtoridad. Nire-recycle ang droga at muling ibinebenta sa mga drug user.

Naniniwala tayong may katotohanan na dalawang dekada na itong ginagawa ng mga “gunggong” na miyembro ng PDEA at PNP.

Patunay rito ang pagkakaaresto sa PDEA official at sa dalawa niyang tauhan noong Disyembre sa PDEA-Taguig sa isang buy-bust operation. Nagre-recycle sila ng shabu. Ibinabalik nila sa kalye ang nakumpiska nila.

Noong panahon ng Pangulong Duterte ay naging matindi ang giyera kontra droga. Bagaman hindi tuluyang nasugpo ay nabawasan ito na naramdaman mismo ng mamamayang Pilipino.

May kanya kanyang management style ang bawat pangulo ng bansa.

At wala ring matinong pinuno na kunsintihin ang ganitong uri ng sindikato.

Nararapat na magsagawa pa nang malalimang imbestigasyon ang Kongreso sa ibinunyag na ito ng impormante.

Hindi matatapos ang problema sa illegal na droga habang ang mga nasa puwesto ay mga “bugok” na drug enforcers. Pabalik-balik lang ang problema ng illegal na droga.

Noon ko pa sinasabi na para hindi ma-recycle ang shabu. Lagyan na ng lason ito sa oras mismo na makumpiska ng mga awtoridad.

Alam kong drastic move ito pero sa tindi ng perang umiikot sa sindikato ng droga, hindi talaga mauubos ang mga pulis na mag recycle nito.

Kaya nga ang paniwala ko, sakaling may lason ang shabu, marami nang matatakot na bumili nito.