Lagusnilad underpass sarado na sa lahat ng sasakyan
Sa gitna ng patuloy na rehab
ISINARADO na sa lahat ng uri ng sasakyan ang Lagusnilad vehicular underpass simula Martes, Hunyo 13, 2023 upang bigyang daan ang pagsasagawa ng puspusang rehabilitasyon hanggang sa buwan ng Setyembre.
Ayon kay Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, ang kabuuang pagsasara ng Lagusnilad vehicular underpass, ay inirekomenda ni Engr. Armand Andres, ang director ng Manila Department of Engineering and Public Works (DEPW) upang hindi maantala ang isasagawang rehabilitasyon.
Kabilang sa mga dapat gawin sa Lagusnilad vehicular underpass ang pagsasaayos ng drainage system at pag-upgrade ng pumping station upang mapigil ang pagbaha tuwing panahon ng tag-ulan at ang pagsesemento na ng lansangan para matiyak ang kaligtasan ng mga motorista.
Nagpaalala naman si Mayor Lacuna-Pangan sa mga motorista na gamitin ang alternatibong ruta upang makaiwas sa inaasahang matinding daloy ng trapiko sa lugar.
Ang lahat ng mga sasakyang magmumula sa hilagang bahagi ng Lungsod ng Maynila ay dapat na gamitin ang kanang bahagi ng Padre Burgos Avenue, kanan sa Round Table, tumawid sa P. Burgos patungong Maria Orosa Street, kumaliwa sa T.M. Kalaw Avenue at kumanan sa Taft Avenue, patungo sa destinasyon.
Ayon sa DEPW, ang rehabilitasyon ng Lagusnilad ay inaasahang makukumpleto bago ang pagtatapos ng buwan ng Setyembre ng kasalukuyang taon.